Thursday, November 17, 2005

Nasyonalista

Ako ay isang nasyonalista. Or so i think. Pero nakasisiguro ako na mahal ko ang Pilipinas.

Ako ay lumaki na alam kong ayaw kong maging American Citizen. Hindi ko ni minsan pinangarap tumira at magtrabaho sa States. Pero pinangarap kong makapunta sa Disneyland. Sino ba namang batang di pinangarap un di ba? Pero un lang. Ayaw ko ng mga Amerikano dahil ang alam ko, sila ang nag-iwan ng toxic waste sa Clark Field na 20 minuto lamang ang layo sa aming bahay.

Lalu na ng ako ay nag-UP. Ito ang unibersidad na nagpaigting ng aking pagiging maka-Pinas. Lalung inayaw ko ang mga banyagang nagi-invest dito. Isa ako sa mga taong pumunta sa EDSA Dos para mapatalsik si Erap. Pero nililinaw ko na di ko ginusto si GMA na pumalit sa kanya. Gusto ko lang na mapababa si Erap sa trono niya.

Pumasok ako sa med school na nakatanim sa isipan kong magiging 'doctor to the barrios' ako. Un ung programa ng DOH na nagpapadala ng doktor sa liblib na lugar o sa mga barrio na walang doktor. Di kasama sa mga option ko ang kumuha ng USMLE para pwede akong mag-praktis sa Amerika bilang doktor. Naalala ko pa nga na asar na asar ako sa mga kakilala kong doktor na nag-nurse para lang mapadali ang pagpunta nila sa Amerika. Naisip ko, wala na bang natitirang pride sa mga doktor na ito na pati un eh papatulan?

Subalit bawat araw yata ay nasusubukan ang aking pagka-nasyonalista. Lalu na sa sinabi ng isang kaibigan ko na ilang beses nang nakarating sa States. Sabi niya, di pa daw kasi ako nakakarating sa Tate kaya ko nasasabing ayoko doon. Wala pa daw kasi akong pamilya na bubuhayin kaya ang kakapiranggot na kikitain ko dito (kapag ako ay kumikita na) ay okay lang at naghihingi pa daw kasi ako ng allowance sa Daddy ko. Di ko pa daw kasi nadanas na kumayod ng ilang taon at di man lang makabili ng kotseng bulok:) Ang tanong pa nga niya, ano ba ang nagustuhan ko sa bansang ito? Sa bansa na mga artista ang nagiging presidente? Na bawat opisina ng gobyerno ay pinapaandar ng lagay? Na wala ni isang pulitikong di nangungurakot?

Ano nga ba ang nagustuhan ko sa Pinas? Di ko alam. Tinatanong ko rin ang sarili ko lalu na ngayon. Marining mo ba naman ang inyong presidenteng umaamin na nandaya siya para maging presidente at magpaumanhin sa telebisyon na parang bang sapat na ang kanyang sorry? I was disillusioned. Kaya ko nga bang panindigan ang pagmamahal ko sa Pilipinas sa gitna ng mga pangyayari ngayon?

Di ko masasabi. Ang hirap gawin nun. Ang hirap umasa na balang araw, magkakaroon tayo ng mga tapat ng pulitiko, na bibilis ang serbisyo sa gobyerno ng walang lagay at gaganda din ang buhay ng aking magiging mga anak.

Ang alam ko lang, maraming bagay sa aking paligid na nagkukumbinsi sa aking manatili sa Pilipinas at maging doctor to the barrio -- ang aking pamilya't mga kaibigan, Unibersidad ng Pilipinas, Boracay, Bohol, Tubbataha Reef, Mar Roxas, Pakorya ni Edgar, Chinchin Guttierez, Manila Bay, lutong kapampangan, Chicken Joy, balot, fishball, isaw, tiangge, Lupang Hinirang, bakya, buko juice, chico... and the list is endless.

Higit sa lahat, di ko ipagpalit ang pagiging masayahin ng mga Pinoy. Ang abilidad nila na tumawa sa gitna ng kahirapan.

Hoy, pinoy ako!

No comments: